Bumwelta si Senator Imee Marcos tungkol sa pahayag ni Senator Ping Lacson na siya ay mayroong P2.5 billion na allocables sa ilalim ng 2026 national budget.

Naunang sinabi ni Lacson na nag-iingay si Sen.Marcos sa nilagdaang 2026 budget na umano’y mayroong pork barrel gayong ang senadora naman pala ay mayroong P2.5 billion o P3.5 billion allocables sa kanyang “for later release”.

Pero tinawanan lamang ito ni Sen. Imee at sinabi niyang hindi alam ni Lacson na ito ay mga wishlist lamang na ibinigay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Central Office.

Sinabi ng senadora na clueless si Lacson na ang mga taga-oposisyon ay lahat naka-FLR o for later release kaya zero budget silang lahat.

Maski aniya ang mga kasamahan sa minorya na sina Senators Bong Go, Bato dela Rosa at Robinhood Padilla ay hindi rin napagbigyan sa mga wishlist.

-- ADVERTISEMENT --

Wala rin umano siyang nalalaman sa allocables ng administrasyon at kung sa kanilang dalawa ni Lacson ay hindi naman siya ang abogada ng Malacañang.

Hirit pa ni Sen. Imee, masyadong gigil sa kanya si Sen. Ping at kung sakaling magsabunutan sila, ay tiyak na siya ang talo.