Tinawag ni Senator Imee Marcos na ambisyoso si Senate President Francis Escudero kasunod ng babala sa kanya na huwag gamitin ang Senado para sa partisan politics.
Ang panawagan ay ginawa ni Escudero noong April 11 pagkatapos ng pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Sen. Marcos na nakakatawa ang mga elagasyon ni Escudero dahil sa nakalimutan na umano niya ang pangangampanya para sa kanyang muling pagtakbo bilang Senador.
Ayon pa kay Sen. Marcos, bumalik na lamang sa rules ng Senado, kung saan hindi makikita ang tungkol sa paglalabas ng show-cause order.
Ang tinutukoy ni Marcos na show-cause order ay ang direktiba na inilabas ni Escudero laban kay Special Envoy on Transnational Crimes Ambassador Markus Lacanilao, na na-cite for contempt sa pagdinig ng committee on foreign relations dahil umano sa pagsisinungaling.
Sinabi ni Escudero na ikinulong si Lacanilao na wala siyang pag-apruba at due process, dagdag pa ang inilabas ni Marcos sa media na kopya ng nilagdaan niyang arrest at detention order bago niya ito ipinadala sa kanyang tanggapan.
Kasunod nito ay ipinag-utos ni Escudero na palayain si Lacanilao.
Samantala, nanawagan si Senator Alan Peter Cayetano kina Escudero at Marcos na isantabi ang kanilang mga emosyon at mag-usap, at mag-focus sa findings ng komite.