Inihayag ni Senate blue ribbon committee chairman Senator Panfilo Lacson na hindi pa lusot sina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva sa issue ng budget insertions sa gitna ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects.

Nilinaw ni Lacson na hindi ibig sabihin na lusot na ang dalawang senador sa nasabing issue matapos na komprontahin ang mga nag-aakusa sa kanila kaugnay sa budget insertions may kaugnayan sa infrastructure projects sa Bulacan na nagkakahalaga ng P600 million at P355 million, batay sa naging elasyon ni dating Bulacan district engineer Brice Hernandez.

Sa pagdinig ng blue ribbon committee kahapon, sinabi ni Lacson na ang P600 million na para sa flood contol projects sa Bulacan ay nakita sa Unprogrammed Fund sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA), na unang tinukoy ni Hernandez si Villanueva sa nasabing pondo.

Idinagdag pa ni Lacson na nakita ng kanyang tanggapan sa regular budget ng 2025 GAA ang P355 million na infrastructure projects sa Bulacan na iniuugnay naman ni Hernandez kay Estrada.

Mariing pinabulaanan nina Estrada at Villanueva ang mga nasabing alegasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag din ang dalawang Senador ng kahandaan na pumirma ng waiver na mabuksan ang kanilang bank accounts para mabusisi.