
Naghain ng panukalang batas si Sen. Francis Kiko Pangilinan na naglalayong maglaan ng karagdagang P15 bilyon para sa relief at rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2259, layunin nitong palakasin ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund upang pondohan ang agarang tulong, rehabilitasyon, at pagpapaayos ng mga nasirang imprastraktura tulad ng mga paaralan, ospital, tulay, kalsada, irrigation systems, at iba pang pasilidad.
Kasama rin sa panukala ang pagtulong sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor na nawalan ng kabuhayan dahil sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa offshore Sarangani noong Lunes.
Ayon sa ulat, umabot sa 38 ang nasawi habang apat pa ang nawawala matapos ang malawakang pinsala sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.
Sinabi ni Pangilinan na mahalagang agad na maipasa ang panukala upang mapabilis ang rehabilitasyon at matulungan ang mga komunidad na muling makabangon mula sa sakuna.



