
Nilinaw ni Senate Committee on Foreign Affairs, Chairperson, Senadora Imee Marcos na hindi niya hangad na busalan ang malayang diskurso ng mga opisyales ng gobyerno partikular na ang pagtindig ng mga ito sa soberanya ng Pilipinas.
Pero giit niya, hindi maganda ang paglalabas ng mga padalos-dalos na salita dahil maari itong makaapekto sa ugnayang bilateral at kakayahan ng bansa na ipagtanggol ang pambansang interes nito lalo na sa sensitibong usapin ng karapatang-pandagat.
Kasunod nito, naghain ang senadora ng resolusyon na nanawagan ng propesyonalismo at disiplina sa mga inilalabas na pahayag sa publiko sa gitna ng tumitinding palitan ng maaanghang na salita ng Piipinas at China.
Pinayuhan din niya ang mga kasamahan niyang opisyales na igalang at pagkatiwalaan ng Department of Foreign Affairs pagdating sa usaping ito bilang ang mga ito ang nangunguna sa pagsusulong ng diplomasya.










