TUGUEGARAO CITY-Personal na iniabot ni Sen. Manny Pacquiao ang kanyang tulong sa mga malubhang naapektuhan ng malawakang pagbaha noong nakaraang buwan sa Cagayan.
Ilan sa kanyang ipinamahagi ay ang relief packs, health and medicine kits, face masks at tig-isang libong piso sa bawat residenteng dumalo.
Sa naging talumpati ni Sen. Pacquiao, humingi siya ng paumanhin dahil ngayon lamang siya nakapunta ngunit kanya namang sinabi na agad siyang nagpadala ng relief goods matapos ang pagbaha.
Paliwanag ng Senador, nagpunta siya sa ibang lugar na naapektuhan din ng bagyong Ulysses kung kaya’t hindi niya nagawang dumalaw agad probinsya.
Kaugnay nito, hinimok ni Sen Pacquioa ang lahat ng mga residente na huwag sumuko sa buhay sa halip ay dapat maging matapang at malakas.
Ibinahagi rin ni Sen. Pacquiao ang kanilang naranasang hirap sa buhay bago nakamit ang karangyahan para maging inspirasyon sa lahat na bumangon at harapin ang mga hamon sa buhay sa kabila ng kalamidad na naranasan. with report from Bombo Efren Reyes JR.