Nanawagan si Senator-Judge Raffy Tulfo na ipatawag pa rin bilang mga testigo sina Colonel Raymund Lachica at Colonel Dennis Nolasco sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang maipaliwanag ang mga kahina-hinalang pangalan na nakalista sa acknowledgment receipts ng confidential funds.

Sa ika-22 araw ng paglilitis, sinabi ni Tulfo na mahalagang marinig ang panig nina Lachica at Nolasco matapos ihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ilang pangalan ng mga sinasabing benepisyaryo ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ay walang birth, marriage o death records.

Naniniwala rin si Tulfo na maaaring mga alyas lamang ang ilan sa mga hindi pangkaraniwang pangalan sa mga resibo.

Gayunman, sinabi ng private prosecutor na si Mae Divinagracia na hindi kailanman iginiit ng depensa na mga alyas ang naturang pangalan. Giit naman ng defense counsel na si Justin Gular, wala silang dapat tugunan hinggil dito dahil hindi naman binanggit ng Commission on Audit (COA) sa mga findings nito ang anumang problema sa mga pangalan sa acknowledgment receipts.

Nauna nang inanunsyo ng House prosecution panel na hindi na nito ihaharap bilang mga testigo sina Lachica, Nolasco at Ramil Madriaga sa impeachment trial.

-- ADVERTISEMENT --