Muling inihain ni Senator Risa Hontiveros sa ika-20 Kongreso ang SOGIESC Equality Bill na layuning itaguyod ang pagkakapantay-pantay at magbigay ng proteksyon laban sa diskriminasyon at karahasan batay sa sexual orientation, gender identity or expression, at sex characteristics (SOGIESC).

Matagal nang isinusulong ni Hontiveros, isang kilalang tagapagtanggol ng LGBTQIA+ community, ang naturang panukala upang bigyang proteksyon ang mga indibidwal at komunidad na madalas makaranas ng paglabag sa karapatang pantao dahil sa kanilang pagkakakilanlan.

Bahagi ito ng kanyang top 10 priority bills para sa 20th Congress na magsisimula sa Hulyo 28.

Sa paliwanag ng panukala, binigyang-diin na matagal nang bahagi ng reyalidad ng mga may iba’t ibang SOGIESC ang diskriminasyon at exclusion, na nagdudulot ng matinding epekto sa kanilang karapatan at dignidad bilang tao.

Iginiit din sa panukala na dapat kumilos ang pambansang pamahalaan upang punan ang kakulangan sa mga batas at patakaran na nagpoprotekta sa mga mamamayan mula sa diskriminasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga itinuturing na mapanirang diskriminasyon sa panukalang batas ay ang pagtanggi sa pagpasok o pagpapaalis sa isang tao mula sa mga institusyong pang-edukasyon gaya ng mga akademya ng pulisya at militar; ang pagbawi o pagtanggi sa pagkilala at pagpaparehistro ng mga organisasyon, partido, o grupo dahil sa SOGIESC; ang pagkakait ng access sa mga serbisyong medikal na bukas sa publiko; at ang pisikal, verbal, o sekswal na abuso sa mga persons deprived of liberty dahil lamang sa kanilang SOGIESC.

Bukod sa SOGIESC Equality Bill, kabilang din sa mga pangunahing panukalang batas ni Hontiveros sa kasalukuyang Kongreso ay ang P200 Daily Minimum Wage Increase Act of 2025, Anti-ENDO and Contracting Law, Interns’ Rights and Welfare Act of 2025, at ang Anti-Hospital Detention Bill.