
Pinuna ni Senator Robin Padilla ang ilang kapwa mambabatas sa Senado, partikular ang matagal nang nanunungkulan, dahil sa umano’y kabiguan ng mga ito na makapaghatid ng makabuluhang pagbabago para sa karaniwang Pilipino.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Padilla na tila may nagawa na ang ilang senador na ilang termino nang nanunungkulan, ngunit wala umano itong malinaw na naidulot para sa pag-unlad ng bansa.
Ayon sa senador, nananatiling naghihirap ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor, habang patuloy umanong lumalala ang kalagayan ng karaniwang Pilipino sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin, kuryente, at tubig.
Giit pa niya, ang mayayaman lamang umano ang lalong yumayaman habang ang ordinaryong mamamayan ay patuloy na nakararanas ng hirap at utang.
Binigyang-diin din ni Padilla ang pagtaas ng utang ng bansa at ang patuloy na pag-asa sa pangungutang kahit tapos na ang pandemya.
Hindi naman niya pinangalanan kung sinu-sinong senador ang kanyang pinatutungkulan.
Nanawagan din ang senador para sa pagpasa ng mga panukalang batas ukol sa umento sa sahod, pagbawas sa halaga ng pangunahing bilihin at serbisyo, at iba pang reporma para sa mga manggagawa.









