TUGUEGARAO CITY-Naniniwala si Sen. Francis Tolentino na hindi na kailangang imbestigaha ang mga Local Government Units (LGUs) sa nangyaring malawakang pagbaha sa Cagayan at isabela nitong nakalipas na buwan.
Sa naging panayam kay Tolentino na siya ring chairman ng senate committee on local government, kanyang iginiit na walang kasalanan ang mga LGUs.
Sakatunayan aniya ay agad na umaksyon ang mga lokal na pamahalaan para tulungan ang mga residente na naapektuhan ng pagbaha.
Sa halip na mga LGUs, sinabi ni Tolentino na dapat ang pamunuaan ng magat dam reservoir ang dapat na imbestigahan dahil sa hindi responsableng pagpapakawal ng tubig.
Sinabi ni Tolentino na hindi ikinonsidera ng Magat Dam ang kapakanan ng mamamayan lalo na sa mababang lugar sa ginawang sabay-sabay na pagbukas ng spillwaygate kung kaya’t dapat sila ang imbestigahan.
Si Tolentino ay bumisita dito sa Cagayan nitong araw ng Sabado para personal na ipamahagi ang kanyang tulong para sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha.