Nakatakdang bumoto ang Senado kung itutuloy ba ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, kasunod ng natanggap nilang desisyon mula sa Korte Suprema.

Ayon kay Senate Impeachment Court spokesperson Regie Tongol, dumating noong Hulyo 25 ang pormal na transmittal ng ruling mula sa SC na nagsasabing labag sa Konstitusyon at walang due process ang mga Articles of Impeachment na inihain laban kay Duterte.

Idiniin ng Korte Suprema na maaaring muling magsampa ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente simula Pebrero 6, 2026.

Bagama’t malinaw ang desisyon ng SC, hati pa rin ang pananaw ng mga senador kung dapat ituloy ang paglilitis.

Ilang mambabatas at eksperto sa batas, gaya ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, ang nagsasabing may kapangyarihan pa rin ang Senado na ipagpatuloy ang proseso dahil sa kanilang “exclusive power” sa usapin ng impeachment.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin naman ni Tongol na bilang isang co-equal branch ng pamahalaan, may tungkulin ang Senado na igalang ang pinal na pasya ng Korte Suprema.

Tatlong impeachment complaints ang isinampa laban kay Duterte noong Disyembre 2024, na lahat ay may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Ang ikaapat na reklamo, na inendorso ng higit isang-katlong miyembro ng Kamara, ang siyang pormal na naipasa sa Senado.

Sa kanyang panig, tumugon si Duterte sa impeachment complaint sa pamamagitan ng “not guilty” plea at mariing tinawag ang reklamo bilang isang “scrap of paper.”