
Hindi palalabasin mula sa pagkakakulong sa Senado ang contractor na si Curlee Discaya at tatlong dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineers na idinadawit sa flood control controvery dahil sa “security concerns.”
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, inaprobahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kanyang rekomendasyon na tanggihan ang kahilingan na bakasyon ni Discaya at sina dating engineer Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at Henry Alcantara.
Ayon kay Lacson, malaki ang posibilidad na tatakas o magtatago ang mga ito dahil sa ilang beses na sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lalabas ang kanilang warrant of arrests bago mag-Pasko.
Sinabi ni Lacson na papayagan lamang ang apat na dumalo sa misa sa Senado, at maaari silang bisitahin ng kanilang pamilya sa loob ng Senado ngayong holidays.
Matatandaan na na-cite in contempt si Discaya ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pagsisinungaling sa hindi pagdalo ng kanyang asawa na si Sara sa pagdinig sa maanomalyang flood control projects noong Sept. 18.
Si Hernandez naman ay na-cite in contempt noong Sept. 8, habang si Alcantara at Mendoza ay na-cite in contempt noong Sept. 18.









