
Hiniling ng ilang senador sa Philippine Space Agency (PhilSA) na gamitin ang teknolohiya ng satellite para matukoy ang mga iregularidad sa mga proyekto ng gobyerno gaya ng substandard at ghost flood control projects.
Sa pagdinig ng Senado para sa P1.38 bilyong panukalang budget ng PhilSA para sa 2026, binigyang-diin ni Senador Rodante Marcoleta ang potensyal ng ahensya na makatulong sa pagtugis sa katiwalian, kabilang ang pagsubaybay sa mga cold storage na ginagamit ng mga hoarder at pagtukoy ng lokasyon ng mga flood control projects na may problema.
Kasabay nito, binanggit ang mga ulat ng 14 na hindi tugmang coordinates sa Sumbong sa Pangulo website na tumutukoy sa mga flood control project.
Ayon kay Marcoleta, madalas ay depektibo ang mga proyekto at nagtuturuan na ang mga ahensya gaya ng DPWH.
Samantala, iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na magagamit ang Multispectral Unit for Land Assessment (MULA) satellite upang matiyak ang aktwal na kalagayan ng mga proyekto.
Ang MULA, na may halagang P2.6 bilyon mula 2021, ay kayang kumuha ng imahe ng buong bansa dalawang beses kada araw upang makita kung may ghost project o hindi.
Kinumpirma ng PhilSA na magagamit ang MULA at iba pang satellite data para makapagbigay ng malinaw na ebidensya hinggil sa mga proyekto ng gobyerno.
Ang MULA ay binubuo ng mga Filipino engineer at kayang magsuri ng hangin at tubig, tukuyin ang masaganang pangingisdaan, mag-monitor ng trapiko, at magbantay ng mga barko sa teritoryo ng bansa.