
Nananatiling target ng Senado na simulan sa Hulyo 6 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng masinsinang pagproseso ng mga dokumentaryong ebidensya sa nagpapatuloy na pre-trial proceedings.
Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug Jr., na siya ring clerk ng impeachment court, bagama’t masikip ang iskedyul para sa paghahanda ng paglilitis, hindi pa rin imposible na masunod ang itinakdang petsa ng pagsisimula ng trial proper.
Sinabi ni Bantug na nagpapatuloy ang pagmamarka o marking ng mga ebidensya para sa Articles I at II ng impeachment complaint. Aniya, mas tumatagal ang proseso dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang suriin at isaayos bago ang paglilitis.
Umaasa naman ang Senado na makukumpleto ang pre-trial proceedings sa lalong madaling panahon upang mailabas ang pre-trial order at manatiling naaayon sa itinakdang impeachment calendar.
Samantala, nagtalaga ng karagdagang mga grupo ang panel ng House prosecutors upang mapabilis ang pagproseso ng mga ebidensya.
Pinalawig din ang oras ng trabaho mula alas-9 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi upang makahabol sa iskedyul ng paghahanda para sa paglilitis.
Bukod dito, sinabi ni Bantug na wala pang desisyon ang Senado hinggil sa kahilingan ng House prosecution panel na buksan ang isang selyadong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman umano ng mga tax-related records ni Duterte.
Aniya, kailangan pa itong pag-usapan kasama si Senate President Sherwin Gatchalian at iba pang miyembro ng Senado upang matukoy ang naaangkop na hakbang kaugnay sa nasabing usapin.
Sa kabila ng mga hamon sa preparasyon, iginiit ni Bantug na nananatiling posible at target pa rin ng Senado na masimulan ang impeachment trial ni Vice President Duterte sa Hulyo 6.










