
Nagpatupad ng mas mahigpit na security measures ang Senado kasabay ng itinakdang deadline sa paghahain ni Vice President Sara Duterte ng kanyang sagot sa Articles of Impeachment.
Ayon sa abiso, hanggang alas-7 ng gabi sa Hunyo 1, lamang maaaring magsumite ng sagot ang Bise Presidente, personal man, sa pamamagitan ng abogado, o sa electronic mail.
Matatandaang pormal na naihatid kay Duterte ang summons noong Mayo 20, dalawang araw matapos mag-convene ang Senado bilang impeachment court.
Inaasahang magsisimula ang impeachment trial sa Hulyo 6 kung saan haharap si Duterte sa mga reklamong culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust.
Dahil sa inaasahang pagdagsa ng media at mga tagasuporta at kritiko ng Bise Presidente, naglatag ang Office of the Senate Secretary ng mga panuntunan para sa coverage ng media at nagtalaga ng mga lugar kung saan maaaring magsagawa ng press briefing ang kampo ni Duterte.
Ayon sa Senado, layunin ng mga hakbang na matiyak ang maayos, ligtas at episyenteng proseso ng paghahain ng sagot habang nabibigyan din ng sapat na access ang media sa mahalagang kaganapan.
Nakikipag-ugnayan naman ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Office of the Sergeant-at-Arms upang tiyakin ang kaayusan sa paligid ng Senado.
Habang Ilang linggo nang may nakatalagang mga pulis sa labas ng gusali dahil sa mga kilos-protesta ng iba’t ibang grupo na may magkakaibang paninindigan sa impeachment case ni Duterte at iba pang isyung kinahaharap ng Senado.
Samantala, sa ilalim ng Rules of Procedure on Impeachment Trial, magkakaroon naman ng limang araw ang prosecution panel upang magsumite ng kanilang reply matapos matanggap ang sagot ng Bise Presidente.




