
Sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na magpupulong ang Senado bilang impeachment court “forthwith” o agad-agad kapag natanggap na ang Articles of Impeachment mula sa Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cayetano, nakipag-ugnayan siya kay Senator Vicente “Tito” Sotto III at tiniyak na susundin ang proseso, kabilang ang pagre-refer muna ng kaso sa tamang komite bago ang pormal na paglilitis.
Dagdag pa niya, posibleng magsagawa ng caucus ang Senado sa Mayo 12 o 13 upang talakayin ang mga isyu kaugnay ng impeachment trial.
Sinabi rin ng Senate Secretary Mark Llandro Mendoza na wala pa umanong natatanggap na Articles of Impeachment ang Senado mula sa House of Representatives, ngunit maaari itong i-calendar sa sesyon sa oras na maipadala.
Nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado noong Lunes, kung saan nahalal si Cayetano bilang Senate President at si Senator Loren Legarda bilang Senate President Pro-Tempore, bago ang inaasahang transmittal ng impeachment complaint.
Noong Lunes din, in-impeach ng House of Representatives si Vice President Duterte sa botong 257-25 dahil sa umano’y culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang mabibigat na kaso.










