Muling inihain ng ilang senador ang mga panukalang batas sa ika-20 Kongreso na naglalayong itaas ang minimum wage ng mga manggagawang Pilipino.

Kabilang sa 10 prayoridad na panukala ni Senador Joel Villanueva ang Living Wage Act, na layong itama ang minimum wage ayon sa regional wage boards upang matiyak na may disenteng pamumuhay ang mga manggagawa.

Aniya, hindi sapat na basta itaas lang ang sahod—dapat ito’y nakabatay sa halaga ng “living wage” na nagbibigay ng maayos na kabuhayan.

Kasama rin sa mga nagsusulong ng Living Wage Act si Senador Loren Legarda, habang si Senador Bong Go naman ay naghain ng panukalang dagdag na ₱100 sa arawang sahod, iginiit niyang hindi sapat ang naunang ₱50 umento sa NCR sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin.

Si Senador Robin Padilla ay may hiwalay ding panukala na layong magbigay ng ₱150 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, samantalang si Senadora Imee Marcos ay naghain ng National Minimum Wage Act bilang bahagi ng pagtulak sa pambansang umento sa sahod.

-- ADVERTISEMENT --