Naghahanda na ang Senado na muling buksan ang imbestigasyon “in aid of legislation” ukol sa flood control scandal sa darating na Lunes, Enero 19.

Isasagawa ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahit naka-break ang Kongreso, batay sa kanilang motu proprio authority, at magsisimula ito ganap na ala-una ng hapon.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, hiniling na niya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang ilang opisyal at mahahalagang dokumento sa pamamagitan ng subpoena duces tecum, na inaasahang makakatulong sa mas masusing imbestigasyon.

Layunin ng komite na mapagsama-sama ang lahat ng files na may kaugnayan sa scandal, kabilang ang kontrobersyal na Cabral files, na mayroon ding sariling kopya ang komite, ayon kay Sen. Panfilo Lacson.

Kabilang sa 12 subpoena na pinirmahan ni Sotto ang mga dating opisyal at personalidad gaya nina Dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, Dating Rep. Zaldy Co, Dating DepEd Usec Trygve Olaivar, Dating COA Commissioner Mario Lipana, Dating DPWH Director Gerald Opulencia, Dating DPWH Director Gerald Pacanan, Maynard Ngu, Orly Guteza, John Paul Estrada, Mark Teksay, Arjay Domasig, at Carleen Yap-Villa.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, kumpirmadong nasa ibang bansa sina Co at Bonoan, habang wala pang tiyak na pahayag kung makakadalo ang natitirang sampung indibidwal na pinadalhan ng subpoena.