Pinag-aaralan ng Senado ang mga posibleng paraan upang mapabilis ang impeachment trial proceedings nang hindi naaantala ang iba pang mahahalagang tungkulin ng Mataas na Kapulungan.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, inaasahang tatagal ng pito hanggang walong buwan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Kung magsisimula ang paglilitis sa Hulyo 6, posibleng matapos ito sa Pebrero ng susunod na taon.

Gayunman, sinabi ni Gatchalian na magiging hamon ang iskedyul ng Senado dahil kasabay ng impeachment trial ang pagtalakay sa panukalang 2027 national budget, mga imbestigasyon kaugnay ng iba’t ibang isyu gaya ng umano’y mga problema sa flood control projects, at iba pang mahahalagang panukalang batas.

Dahil dito, naghahanap ang Senado ng mga paraan upang mapaikli ang proseso ng paglilitis. Kabilang sa mga ikinokonsidera ang pakikipag-ugnayan sa prosekusyon at depensa upang mabawasan ang bilang ng mga testigo at gawing mas episyente ang presentasyon ng mga ebidensya.

Ayon pa kay Gatchalian, nasa humigit-kumulang 10,000 dokumento at iba pang ebidensya ang posibleng busisiin sa kaso. Aniya, kung isa-isang tatalakayin ang lahat ng ito, mas hahaba pa ang impeachment trial.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, tiniyak niyang ilalabas ng Senado ang pre-trial order at bibigyan ang magkabilang panig ng tatlong araw upang magsumite ng kanilang mga komento bago ang pormal na pagsisimula ng paglilitis.

Magpapatupad din ang Senado ng mas mahigpit na seguridad sa loob at paligid ng gusali upang matiyak ang maayos na takbo ng impeachment proceedings.

Samantala, ibinahagi rin ni Gatchalian na personal niyang nire-review ang naging impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012 upang makakuha ng mga aral na maaaring makatulong sa kasalukuyang proseso. Dagdag pa niya, pinangungunahan ni Senate Secretary at Clerk of Court Atty. Rey Bantug, kasama ang iba pang opisyal ng Senado, ang paghahanda para sa nalalapit na paglilitis.