Nananawagan si Senator Erwin Tulfo sa kanyang mga kapwa senador na mas pagtuunan ng pansin ang pangunahing mandato ng Senado—ang paggawa ng mga makabuluhan at agarang batas para sa kapakanan ng mga Pilipino.

Ayon kay Tulfo, panahon na upang isantabi ang umiiral na hidwaan at bangayan sa loob ng mataas na kapulungan, at magkaisa sa pagharap sa mas malalaking suliranin ng bansa tulad ng kahirapan, gutom, at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga gamot at pangunahing bilihin.

Giit ng senador, ang mga problemang ito ay hindi namimili ng kulay o partido kaya’t hindi rin dapat nagiging batayan ng pagkakahati-hati ng mga mambabatas kung sino ang kakampi o kalaban sa politika.

Binigyang-diin din niya na kapag hindi agarang natugunan ang mga isyung ito, mas lalo lamang lalala ang sitwasyon ng mga ordinaryong Pilipino na araw-araw na nakikipagsapalaran sa epekto ng krisis sa ekonomiya.

Dagdag pa ni Tulfo, bukod sa paggawa ng batas, mahalaga ring ituloy ang mga imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa gobyerno, ngunit dapat aniya itong gawin nang walang takot, walang kinikilingan, at laging inuuna ang interes ng publiko.

-- ADVERTISEMENT --