Naglabas na ng arrest order ang Senado laban kay suspended Tarlac town Mayor Alice Guo at iba pa matapos na hindi sila dumalo sa pagdinig noong July 10 sa kabila ng mga abiso mula sa committee on women na nagsasagawa ng imbestigasyon sa illegal Philippine offshore gaming operations (Pogos).
Nilagdaan ni Senator Risa Hontiveros at Senate President Francis Escudero ang arrest order.
Nakasaad sa dokumento na ang hindi pagdalo ni Guo sa pagdinig ay nagresulta sa pagkaantala at hinaharangan ang imbestigasyon sa umano’y paglabag sa human trafficking, serious illegal detention, physical abuse at torture na nangyari sa loob ng internet gaming licensee ng Philippine Amusement Gaming Corporation.
Bukod kay Guo, ipinapaaresto din ng Senado sina Dennis Cunanan, Nancy Gamo, mga miyembro ng pamilya ni Sheila Guo, Wesley Leal Guo, Jian Zhong Guo, Seimen Guo, at pinaghihinalaan na kanyang ina na si Wen Yi Lin.