Mariing tinutulan ng Senado ang paglalagay ng bilyun-bilyong piso sa lump-sum o unprogrammed funds sa panukalang 2026 national budget na inaprubahan ng Kamara.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, hindi papayagan ng Senado na manatiling unprogrammed ang tinatayang P80 bilyon hanggang sa P255 bilyong pondo na wala umanong malinaw na alokasyon.
Iginiit ng lider ng Senado na dapat mailagay sa tamang ahensya ang mga pondo tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP), sa halip na ilagay sa unprogrammed funds.
Nilinaw din ni Sotto na limitado lamang dapat ang unprogrammed funds sa mga proyektong may dayuhang pondo o suportado ng international agencies.
Ipinatupad din ng Senado ang 20 porsyentong bawas sa budget ng bawat proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang hakbang laban sa overpricing.
Pinag-aaralan na rin ng Senado ang posibilidad na ilipat ang implementasyon ng ilang proyekto gaya ng health centers at farm-to-market roads mula DPWH patungo sa mga lokal na pamahalaan o partikular na ahensya para sa mas epektibong monitoring.
Bukod dito, tiniyak ng Senado na walang mangyayaring last-minute insertions sa pondo at lahat ng pagbabago ay dapat ilahad sa plenaryo sa ikalawang pagbasa. Layunin nitong tiyakin ang malinis at transparent na proseso ng pag-apruba ng pambansang badyet.
Samantala, ipinagpapatuloy ni Senador Bam Aquino ang imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control projects. Aniya, dapat managot ang mga sangkot, mabawi ang perang nalustay, at maisabatas ang mga repormang tulad ng Philippine National Budget Blockchain Act para sa mas malinaw at bukas na paggamit ng pondo ng bayan.