Isiniwalat ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pangalan ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways na sangkot umano sa paggawa ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela na bumagsak noong February 27, 2025.

Sa plenary session, pinangalanan ni Estrada sina Assistant Secretary for Regional Operations in Luzon Loreta Malaluan; Assistant Secretary for Regional Operations in Visayas and Mindanao Nerie Bueno; Undersecretary for Luzon Operations Eugenio Pipo Jr.; Undersecretary for Regional Operations in Visayas and Mindanao Ador Canlas; at Undersecretary for Planning Service and Public-Private Partnership Service Maria Catalina Cabral na sangkot sa pag-apruba at implementasyon ng P1.2 billion na halaga ng proyekto.

Una rito, kinuwestion ni Estrada kung bakit nananatili sa serbisyo ang ilang opisyal ng DPWH o ang iba pa ay na-promote pa, sa kabila ng umano’y pagkakasangkot nila sa bumagsak na tulay.

Sa kanyang privilege speech, binigyang diin ni Estrada na dapat na may managot sa nangyari sa nasabing tulay, dahil sa pera ng taumbayan ang ginamit sa proyekto.

Kasabay nito, nanawagan si Estrada kay Senate Blue Ribbon Committee chair Rodante Marcoleta na magsagawa ng panibagong imbestigasyon sa issue.

-- ADVERTISEMENT --

Unang isinisi ng mga awtoridad ang pagbagsak ng tulay sa dumaan na overloaded na dump truck.

Subalit, ipinunto ni Estrada na noon pang 2017, nagpahayag na ng alalahanin ang project engineer na si Felipe Lingan ng “significant signs of failure” sa tulay, subalit itinuloy pa rin ang proyekto.

Binigyang-diin ni Estrada na ang insidente ay higit pa sa structural failure, sa halip ay failure of governance.

Ayon sa kanya, pinapatunayan lamang nito ang kahinaan ng ating sistema, na magpapatuloy kung hindi itatama sa pamamagitan ng transparency at paninindigan.

Ang talumpati ni Estrada ay kasunod ng pasaring ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address sa mga opisyal na sangkot umano sa hindi tamang paggamit ng pondo na inilaan para sa infrastructure projects.

Sinabi ni Estrada na maaaring ang tinutukoy ni Marcos ay ang ilang opisyal ng DPWH.

Subalit sinabi ni Marcoleta na posibleng pinasaringan din ng Pangulo ang mga mambabatas na nagsisilbing contractors.