Hinimok ni Senador Raffy Tulfo, chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, ang gobyerno na ipatupad ang total deployment ban ng mga Filipino migrant workers patungong Kuwait kasunod ng mga ulat ng pagkamatay ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), kabilang na ang trahedya ng pagkamatay ni Dafnie Nacalaban.
Ayon kay Tulfo, ipinanukala niya sa Department of Foreign Affairs (DFA) na pansamantalang itigil ang pagpapadala ng mga bagong OFW sa nasabing bansa upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Upang maiwasan ang karagdagang insidente, iminungkahi ng senador ang mandatory neuropsychological screening para sa mga prospective employers sa Kuwait. Ani Tulfo, layunin ng hakbang na ito na tiyakin na ang mga employer ay mentally stable at may kakayahang magbigay ng ligtas na kalagayan sa trabaho para sa mga OFW.
Nilinaw ng senador na ang ban ay tanging para lamang sa mga bagong aplikante. Maari pa ring magpatuloy sa pagtatrabaho o mag-renew ng kontrata ang mga kasalukuyang OFW sa Kuwait nang walang anumang restriksyon.