TUGUEGARAO CITY-Kailangang pag-aralang mabuti ng senado ang panukalang batas na inihain ni Sen. Sherwin Gatchalian na naglalayong ipagbawal ang ‘di makatarungan paraan ng paniningil.
Una rito, isinusulong ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1336 o “Fair Debt Collections Practices Act” o ang pagbabawal ng “paggamit ng mapanlinlang o abusadong pangongolekta ng utang” kung saan layon nito na wakasan ang “harassment o pang-aapi” sa mga hindi agad makabayad, partikular na sa social media.
Ayon kay Councilor Atty. Reymund Guzman,maganda ang naturang panukala ngunit maaring magkaroon ng conflict sa mga batas na una nang naipatupad sa kasalukuyan.
Aniya, pag-aralan at tingnan ng mabuti ang naturang panukala dahil maaring may masaklawan itong batas tulad ng graft threat o pananakot.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Guzman ang mga nagpautang na hindi binabayaran ng mga nagkautang sakanila na idaan sa tamang proseso na paniningil o tamang batas dahil may tinatawag namang “legal processes” .
Sinabi ni Guzman , padalhan ng demand letter ang mga nakautang sakanila, pero kung wala pa ring aksyon, ipabarangay ngunit kung wala pa ring nangyayari ay sampahan na ng kaukulang kaso sa korte at huwag daanin sa pagpapahiya ang paniningil.