Ipinahayag ng Senate impeachment court na ito ay “duty-bound” o may tungkuling igalang ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklara sa Articles of Impeachment laban kay Vice Presdident Sara Duterte na labag sa Konstitusyon.
Ayon kay Atty. Regie Tongol, tagapagsalita ng impeachment court, pinatunayan ng pasya ng SC ang maingat na hakbang ng Senado na huwag ituloy ang paglilitis dahil sa mga isyung konstitusyonal.
Nagpasya ang SC nang unanimous na labag sa one-year bar rule ng Konstitusyon at lumalabag sa karapatan ni Duterte sa due process ang nasabing impeachment case.
Dagdag pa ng korte, wala ring hurisdiksyon ang Senado sa kasong ito.
Gayunman, nilinaw ng SC na hindi nito inaabsuwelto si Duterte at maaaring magsampa ng bagong impeachment complaint pagkatapos ng Pebrero 6, 2026.
Tiniyak ng Senado na patuloy itong magiging tapat sa Konstitusyon at proseso habang hinihintay ang opisyal na kopya ng desisyon ng SC.