Iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano na walang katotohanan ang mga alegasyong isinagawa ang pagpapalit ng liderato sa Senado upang maantala ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Cayetano, sumusunod lamang ang Senado sa mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon at maayos nang umuusad ang proseso kaugnay ng impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.

Sinabi niya na natanggap ng Senado ang articles of impeachment noong Mayo 13 at agad na sinimulan ang mga kinakailangang hakbang kabilang ang pagbibigay-abiso sa mga senador at pakikipag-ugnayan sa House of Representatives.

Dagdag pa niya, magtitipon ang Senado bilang impeachment court sa Mayo 18 alas-3 ng hapon kung saan kikilos bilang mga hukom ang mga senador sa paglilitis.

Ayon kay Cayetano, karamihan sa mga senador ay mayroon nang kopya ng impeachment articles at maayos umanong isinasagawa ang buong proseso alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin din niya na hindi dapat ituring na kaguluhan sa Senado ang mga nangyayari sa labas ng opisyal na sesyon dahil nananatili umanong maayos at organisado ang kanilang mga pagdinig.

Sinabi rin ni Cayetano na kailangang pagsabayin ng Senado ang impeachment proceedings at ang pagpasa ng mga panukalang may kaugnayan sa ekonomiya.

Inamin naman niya na maaaring tumagal ng ilang buwan ang impeachment trial dahil maging ang mga nakaraang kaso na may mas kaunting articles of impeachment ay umabot din ng matagal bago matapos.