
Iginiit ni House impeachment prosecutor at San Juan Representative Ysabel Zamora na may direktang kaugnayan umano ang naging pagbabago sa liderato ng Senado sa nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Zamora, hindi maituturing na hiwalay ang nangyaring Senate coup noong Lunes dahil kasabay umano ito ng deliberasyon ng Kamara sa articles of impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Noong Mayo 11, inaprubahan ng House of Representatives ang impeachment laban kay Duterte sa botong 257 pabor at 25 tutol, lampas sa kinakailangang bilang upang maipadala ang kaso sa Senado para litisin.
Kasabay nito, nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado matapos mahalal si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President kapalit ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon kay Zamora, marami umano sa mga bumubuo sa bagong mayorya sa Senado ay kilalang kaalyado ni Duterte at mayroon nang negatibong pananaw sa impeachment kahit hindi pa nasusuri ang ebidensya.
Dagdag pa niya, posibleng makaapekto sa impeachment proceedings ang mga kontrobersiyang kinahaharap ngayon ng Senado kabilang ang umano’y Senate coup, insidente ng pamamaril sa loob ng Senado, at usapin sa arrest warrant laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sa kabila nito, sinabi ni Zamora na nakatutok pa rin ang prosecution panel sa paghahanda para sa paglilitis, kabilang ang pagbuo ng documentary at testimonial evidence at pagtatalaga ng mga magiging papel ng bawat prosecutor.
Nanawagan din siya sa civil society groups na tulungan ang publiko na mas maunawaan ang proseso ng impeachment trial dahil sa komplikadong legal na usapin nito.
Nakatakdang magtipon bilang impeachment court ang Senado sa Mayo 18 alas-3 ng hapon para simulan ang proseso ng paglilitis laban kay Vice President Duterte.










