
Iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na walang itinakdang limitasyon sa panahon ng impeachment trial sa Konstitusyon, kaya hindi ito dapat madaliin kapalit ng patas na proseso.
Sa ika-39 na araw ng paglilitis, sinabi ni Cayetano na maaaring umabot hanggang Enero o Pebrero ang proceedings upang mabigyan ng sapat na panahon ang pagtalakay sa kaso.
Ayon sa senador, dapat ding bigyang-prayoridad ang pagpasa sa panukalang 2027 national budget, lalo’t may banta ng matinding El Niño at hindi pa tapos ang imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control project.
Binigyang-diin niyang mahalagang pairalin ang pagiging patas at due process anuman ang maging desisyon ng impeachment court.
Matatandaang pinayagan ng Senate impeachment court ang prosekusyon na bawiin ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Kabilang dito ang mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, bribery, at grave threats.




