Inaprubahan ng Senate Finance Committee ang panukalang 2027 budget ng Department of Education (DepEd), habang humihiling ang ahensiya ng karagdagang P147.93 bilyon para pondohan ang iba’t ibang programa, kabilang ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program.
Sa ilalim ng General Appropriations Bill, nakalaan ang P969.79 bilyon para sa DepEd at mga attached agency nito, na mas mababa ng P6.17 bilyon kumpara sa panukalang National Expenditures Program.
Sa kabuuang halaga, P967.23 bilyon ang para mismo sa DepEd, habang P2.561 bilyon naman ang nakalaan sa mga attached agency nito. Inaprubahan ang budget sa kondisyong tatalakayin pa ang ilang usapin at isusumite ang mga hinihinging dokumento.
Kabilang sa hinihiling na dagdag na pondo ang P15.63 bilyon para sa ARAL Program, na naglalayong tulungan ang mga mag-aaral na nahihirapan sa pagbabasa, pagbibilang at iba pang kasanayang pang-akademiko.
Nagpahayag ng pagkabahala si Senate President Sherwin Gatchalian dahil walang nakahiwalay na alokasyon para sa programa sa panukalang budget, sa kabila ng layunin nitong tugunan ang kakulangan sa pagkatuto ng mga estudyante.
Ipinunto rin ni Senador Joel Villanueva ang pangangailangan ng learning remediation para sa milyun-milyong mag-aaral.
Ipinaliwanag naman ng Department of Budget and Management na may pondong nakalaan para sa ARAL Program sa ilalim ng budget para sa mga textbook at iba pang instructional materials, ngunit wala itong sariling line item.
Dahil dito, iminungkahi ng Senate panel na magkaroon ng hiwalay na line item para sa ARAL Program upang maging mas malinaw at transparent ang paglalaan at paggamit ng pondo.
Batay sa unang taon ng ulat ng programa, nasa 1.37 milyong mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 10 ang hindi na kabilang sa kategorya ng mga nahihirapan sa pag-aaral. Tinatayang 730,000 pang mag-aaral ang nakababasa na sa antas na naaayon sa kanilang baitang.




