Inamin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na siya ang nagsimula at kumausap sa mga kasamahang senador upang mapalitan sa puwesto si dating Senate president Juan Miguel Zubiri.

Bagaman at hindi na inilabas sa plenaryo maging sa publiko ang resolusyon na nagpatalsik kay Zubiri, inamin ni Escudero na siya ang unang pumirma rito.

Nauna rito, sinabi kama­kalawa ni Zubiri na noong nakaraang Miyerkules niya nalaman na may mga senador na kumikilos upang mapatalsik siya sa puwesto.

Pero sinabi ni Escudero na hindi niya alam kung sino ang nagsabi kay Zubiri noong Miyerkules dahil noong Huwebes lamang siya nagsimulang mangausap ng mga kasamahang senador.

Kinumpirma rin ni Escudero na 15 senador ang pumirma sa resolusyon tungkol sa pagpapalit ng liderato.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag din ni Escudero na hindi na kailangan pang ipakita ang resolusyon dahil nangyayari naman ang pagpapalit ng Senate President sa pamamagitan ng “gentlemanly conduct.”

Palagi rin aniyang payapa at hindi magulo ang pagpapalit ng lider ng Senado taliwas sa mga nakaraang pangyayari sa House of Representatives na palaging may gulo at bangayan.