Mariing kinondena ng mga mamamahayag na nakatalaga sa Senado ang pahayag ni Senador Rodante Marcoleta na nagsasabing marami umano sa media ang bayaran.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng Senate media na iresponsable at mapanganib ang naturang akusasyon dahil sinisira nito ang kredibilidad ng media na mahalagang haligi ng demokrasya. Binigyang-diin din nila na ang mga mamamahayag ay patuloy na gumaganap ng kanilang tungkulin sa pagbibigay ng tama at beripikadong impormasyon sa publiko.

Ayon sa grupo, may pananagutan ang mga opisyal ng gobyerno na magpakita ng ebidensya kung magbibintang laban sa mga mamamahayag sa halip na gumamit ng mapanirang pahayag.

Kasunod nito, nilinaw ni Marcoleta na hindi niya nilalahat ang media at humingi siya ng paumanhin sa kanyang naging pahayag, na aniya ay bunga ng matinding pagkadismaya.

Nakisama rin ang National Press Club sa pagkondena sa pahayag ng senador. Ayon kay NPC president Leonel Abasola, dapat malayang magampanan ng media ang kanilang trabaho nang walang panggigipit, pananakot, o impluwensyang pulitikal.

-- ADVERTISEMENT --

Sa huli, muling iginiit ng mga mamamahayag na ang kanilang katapatan ay nasa katotohanan at sa publiko, hindi sa anumang kampong pampulitika.