
Ipinunto ng isang unyon ng mga empleyado ng Senado na ang mga kawani ng institusyon ay hindi dapat ginagabayan ng anumang political loyalty sa gitna ng umiinit na isyu sa liderato ng kapulungan.
Ayon sa Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon, o S.E.N.A.D.O., dapat manatiling nakabatay sa batas at tungkulin ang mga empleyado at hindi sa pulitika.
Binigyang-diin ng grupo na ang mga rank-and-file employee ay hindi dapat nadadamay sa mga hidwaan sa liderato ng Senado, at hindi rin dapat maging biktima ng mga pangyayaring wala silang kontrol.
Ayon pa sa unyon, nagdulot ng kalituhan sa mga kawani ang mga pagbabago sa liderato kabilang ang hindi malinaw na direktiba at reporting protocols.
Matapos ang pagbabago sa liderato noong Hunyo 3, pinayagan ni Senator Sherwin Gatchalian ang work-from-home setup sa ilang opisina ng Senado noong Hunyo 4, habang nagpapatuloy ang isyu sa loob ng institusyon.
Samantala, nagpatuloy pa rin ang hearing ng Blue Ribbon Committee na pinangunahan ni Senator Alan Peter Cayetano sa kabila ng naturang kautusan.
Ipinahayag din ng unyon ang pagkabahala sa naging epekto ng mga tensyon sa mga empleyado, kabilang ang pagkakaroon ng matinding pangamba matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13, kung saan nagdulot umano ito ng takot sa hanay ng mga kawani.
Nanawagan ang S.E.N.A.D.O. sa mga senador at opisyal na igalang ang propesyonalismo ng mga empleyado at tiyaking hindi sila mapaparusahan o maaapektuhan dahil sa kanilang pagtupad sa tungkulin.




