
Wala raw pakialam si Senador Ronald Bato Dela Rosa kung AI-generated man ang ibinahagi niyang video sa kanyang social media kamakailan.
Matatandaan, sa naturang video, mapapanood ang pagtutol ng tatlong estudyanteng lalaki sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa mga ito, ayaw nilang litisin ang bise bilang politically motivated lang ito at paraan ng pagsi-single out sa bise.
Dagdag pa ng mga ito, kung gusto raw talaga ng mga opisyales na malinis ang bansa ay dapat na imbestigahan itong maigi.
Sa kabilang banda, bagamat nakatanggap ng maraming bashing ang senador hinggil sa AI post na ito, sinabi niya na may punto naman ang bata at ang mensahe ang tinitignan niya rito.
Nanawagan ang Malacañang sa mga opisyal ng pamahalaan na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakababahala kung ang pinagmumulan ng disimpormasyon ay mula mismo sa mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Anya, ito ay hindi lamang nakapagpapalaganap ng maling impormasyon, kundi nakakabawas pa sa tiwala ng publiko sa mga lider ng bansa.
Bagama’t hindi kinakailangang humingi ng paumanhin kung ang pag-share ng video ay bunga ng hindi intensyonal na pagkakamali, iginiit ni Castro na dapat umanong aminin ng sinumang opisyal ang kanilang pagkakamali, lalo’t maaari itong makaapekto sa pananaw ng publiko.
Binigyang-diin ng Malacañang na may responsibilidad ang bawat opisyal ng pamahalaan sa kanilang mga sinasabi at ikinikilos, lalo na sa usaping may malaking epekto sa sambayanan.