
Nanawagan si senator Ronald Bato dela Rosa sa kaniyang mga kapwa alumni ng Philippine Military Academy (PMA) na magsagawa lamang ng mapayapang pagkilos kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
Nilinaw ni Dela Rosa na hindi siya humihikayat ng marahas na aksyon kundi suporta para sa aniya’y pagtatanggol sa soberanya ng bansa laban sa pakikialam ng mga dayuhan.
Si Dela Rosa na dating hepe ng Philippine National Police noong kasagsagan ng war on drugs ng administrasyong Duterte, ay nahaharap sa kasong crimes against humanity dahil sa umano’y papel niya sa anti-drug campaign mula 2016 hanggang 2018.
Kasalukuyang nasa protective custody ng Senado ang senador habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa kaniyang petisyon para sa temporary restraining order laban sa implementasyon ng ICC arrest warrant.
Samantala, pinaalalahanan naman ng Philippine National Police ang kanilang mga tauhan na umiwas sa pagpo-post ng political content sa social media habang umiiral ang tensyon kaugnay ng kaso ni Dela Rosa.










