
Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na pinaniniwalaan na nasa Davao si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng sinasabing arrest warrant laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC).
Gayunman, sinabi ni Remulla na hindi maaaring gumawa ng hakbang ang DILG dahil kailangan pa nilang matanggap ang kopya ng sinasabing arrest warrant mula sa ICC.
Ayon kay Remulla, magkapitbahay sila ni Dela Rosa sa Cavite, subalit hindi umano siya umuuwi sa lgar at sa kanyang pagkakaalam nasa Davao ang kanyang pamilya.
Matagal nang hindi nagpapakita sa publiko si Dela Rosa at hindi rin siya dumadalo sa mga pagdinig at sesyon ng Senado, matapos sabihin ni Ombudsmsn Jesus Crispin Remulla na mayroon nang inilabas na warrant laban sa Senador.
Sinabi pa ng Ombudsman na mayroon siyang unofficial na kopya ng warrant.
Nagsilbi si Dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa panahon na ipinatupad ang drug war sa ilalim ng Duterte administration.
Unang sinabi ni dating senator Antonio Trillanes IV na kasama sa mga suspek si Dela Rosa at apat na matataas na dating mga opisyal ng PNP sa ginagawang imbestigasyon ng ICC sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.
Si Trillanes ang isa sa mga personalidad na nagsampa ng kaso laban kay Duterte sa ICC.
Iginiit naman ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Dela Rosa, na walang legal na basehan ang pamahalaan para isuko ang sinomang mamamayan nito sa international tribunal dahil sa kawalan ng mga patakaran na sumasaklaw sa nasabing proseso.









