Nakuha sa video ang pagmumura ni Senator Alan Cayetano kay Senator Juan Miguel Zubiri sa mainit na debate sa sesyon noong araw ng Martes.

Makikita rin sa video ang sigawan ng dalawa habang suspendido ang sesyon.

May sinabi kasi si Zubiri tungkol sa isang resolusyon na isasalang sa sesyon na hindi niya nagustuhan, at sinabi na ilang ulit nang nakiusap sa kanya si Cayetano kung ang tatalakayin ay para sa kanyang lugar.

Galit naman na sinabi ni Cayetano kay Zubiri na huwag siyang sigawan, dahil ilang ulit din siyang nakiusap sa kanya at sa katunayan ay pumunta pa siya sa abroad.

Makikita na akmang lalapitan ni Cayetano si Zubiri habang inaawat sila ni Senator JV Ejercito.

-- ADVERTISEMENT --

Lumapit naman sina Senator Pia Cayetano at Senate Sergeant-at-Arms Roberto Ancan para pahupain ang dalawa.

Dito na pinagmumura ni Cayetano si Zubiri.

Nag-ugat ang bangayan ng dalawa sa Senate Concurrent Resolution No. 23, na magsasama sa 10 Embo barangays sa dalawang legislative districts ng Taguig at Pateros upang hindi ma-disenfranchise ang mga rehistradong mga botante doon.

Ang panukala din ang magkukumpirma ng dagdag na bilang ng mga councilors sa bawat district ng Taguig para sa patas at pantay na representation.

Sa resolusyon, tinukoy ni Cayetano ang desisyon ng Supreme Court, na nagdedeklara sa 10 Embo barangays – Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Post Proper Northside, at Post Proper Southside, ay sa teritoryo ng Taguig City sa pamamagitan ng legal right at historic title.

Subalit, idineklara ng Commission on Elections na ang mga residente ng 10 Embo barangays ay boboto para sa national positions at local positions, subalit hindi sa congressional representative sa 2025 midterm elections dahil sa kawalan ng congressional act na nagtatalaga sa ilalim ng congressional districts kung saan nabibilang ang mga nasabing barangay.

Kinuwestion ni Zubiri sa session hall kung bakit tinatalakay ang nasabing resolusyon na wala naman sa kanilang agenda sa nabanggit na araw.

Pagkatapos nito ay humingi ng paumanhin ang dalawang Senador.

Sa huli, pinagtibay ng Senado ang resolusyon ni Cayetano.