Patay ang isang senior citizen na empleyado ng Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos siyang barilin ng hindi pa nakikilalang gunmen habang dumadalo sa isang birthday party ng kanyang anak na babae sa Commonwealth, Quezon City kahapon.
Ayon sa Quezon City Police District, ang biktima ay isang 63-anyos, at nangyari ang insidente ng 2:55 kahapon ng hapon.
Sa paunang pagsisiyasat, nakita ang dalawang hindi nakikilalang katao na pumasok sa venue at binaril ng malapitan ang biktima.
Agad na sumakay ang mga salarin sa isang motorsiklo at pinaputukan din ang guwardiya ng subdivision bago sila tumakas.
Dinala ang biktima sa ospital, subalit idineklera siyang dead on arrival ng umasikasong doktor.
Bumuo na ang Quezon City Police ng special investigation team para sa pagtukoy at pag-aresto sa mga salarin.
Sa ngayon ay wala pang sinasabi ang pulisya na motibo sa pagbaril-patay sa biktima.