Dead on arrival sa pagamutan ang isang 60 anyos na lalake matapos matumba ang kanyang minanehong motorsiklo sa bayan ng Lasam, Cagayan.

Kinilala ni PMSG Rey Lorenzo, imbestigador ng PNP Lasam ang biktima na si Alex Velasco, magsasaka at residente ng Brgy. Gabun, Lasam.

Una rito ay nakatanggap ng tawag ang mga otoridad kaugnay sa nangyaring insidente kung kaya’t agad naman na nagtungo ang mga ito sa nasabing lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon na nasa kalagitnaan ng pagmamaneho ang biktima upang magtawag sana ng mga trabahador na magbubunot ng punla ng palay nang hindi nito makontrol ang bilis ng pagpapatakbo ng kanyang motorsiklo dahilan upang matumba at tumilapon ng dalawa hanggang tatlong metro ang layo.

Nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang ulo ang biktima at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

-- ADVERTISEMENT --

Napag alaman na walang suot na helmet ang biktima.