TUGUEGARAO CITY-Nanawagan ang mga miembro ng senior citizen sa Commission on Elections na resolbahin na sa lalong madaling panahon ang paksion sa Senior Citizens Party-list.

Sinabi ni Romeo Allam,presidente ng mga senior citizen sa Region 2 na ang nagbabangayan na tatlong paksion ang dahilan kaya hindi na naipoproklama ang partido na nakakuha ng isang upuan sa kamara.

Ayon sa kanya,nag-aagawan ngayon sa nasabing pwesto sina dating Representative Godofredo Arquiza,Representative Milagros Magsaysay at Fracisco Datol.

Kasabay nito, sinabi ni Allam ang kanilang sinusuportahan ay si Magsaysay dahil siya umano ang kumakatawan sa interes ng mga senior citizen.

Kaugnay nito, sinabi ni Allam na hindi naman apektado ang kanilang hanay dahil sa nasabing mga paksion.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya,marami na umanong nakabinbin na panukalang batas na inihain si Magsaysay na inaasahan na muling pag-aaralan sa 18th congress.

Kabilang na dito ang pediatric center sa buong bansa para sa mga senior citizen , pag-amienda sa Universal Social Pension na magbibigay ng pension sa lahat ng mga ,lolo at lola,at ang pag-amienda sa Centenarian Act kung saan maging ang 85 years old pataas hanggang sa 100 years old ay makakatanggap ng cash.

Samantala, sinabi ni Allam na kasalukuyan pa ang ginagawang re-validation ng DSWD sa mga senior citizen na tumatanggap ng social pension na P500 kada buwan na ibinibigay naman kada anim na buwan.

Ayon sa kanya, ito ay para matiyak na ang mga tumatanggap nito ay mga maituturing talaga na indigent o mga pinakamahihirap na mga lolo at lola.

Ito aniya ang dahilan kaya naantala ang pagbibigay ng social pension sa ilang senior citizen.