Aprubado na ng Sangguniang Panlungsod ang ordinansang naglalayong bigyan ng cash incentives ang mga senior citizens sa Tuguegarao City mula edad 75 hanggang 100 o kada limang taon pagkatapos.

Sa kasalukuyang batas, ang mga senior citizens na umaabot sa 100 taong gulang o centenarian ang binibigyan lamang ng lokal na pamahalaan ng P10,000, maliban pa sa P100,000 na ibinibigay ng national government.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni City Councilor Ronald Boyet Ortiz, isa sa mga may-akda sa ordinansa na layon nitong kilalanin ang malaking ambag ng mga senior citizen sa lipunan kung kayat marapat lamang na mabigyan ng ayuda ang mga ito.

Sa ilalim ng ordinansa, tatanggap ng halagang P2,000 mula sa LGU ang lahat ng nabubuhay na senior citizen sa Lungsod pagsapit ng edad na 75; P3-K sa aabot ang edad sa 80 o Octogenarian; P5-K para sa edad 85; P7,500 sa 90 anyos o Nonagenarian at P10,000 sa 95 anyos.

Inamyendahan din ng naturang ordinansa ang pagbibigay ng P15,000 cash incentives mula sa dating ibinibigay na P10,000 para sa mga centenarian o may mga edad sa 100.

-- ADVERTISEMENT --

sa 2023 na unang taon ng implementasyon ng ordinansa ay mangangailangan ng mahigit P3.8 milyon ang LGU para sa pagbibigay ng financial assistance sa mga benepisaryo, mahirap man o mayaman.

Bagamat hindi napondohan ang naturang programa sa 2023 Annual Budget, sinabi ni Councilor Ortiz na maaari namang pondohan ang inisyal na implementasyon ng ordinansa sa pamamagitan ng supplemental budget na sinang-ayunan naman ni Mayor Maila Ting Que.