Inaasahan na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang severe tropical storm na may international name na Bebinca mamayang hapon o gabi.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), tatawagin itong Tropical Storm Ferdie sa sandaling pumasok na ito sa PAR.

Sinabi ni Benison Estareja, weather specialist ng Pagasa, posibleng pumasok si Bebinca ng PAR sa silangan ng extreme northern Luzon at lalabas ng bansa sa loob ng ilang oras, patungo sa southern islands ng Japan, na posibleng lumakas pa bilang isang bagyo.

Sa weather advisory kaninang 5:00 a.m. ng Pagasa, namataan si Bebinca sa 1,605 kilometers sa silangan ng Batanes at nasa labas pa rin ito ng PAR at ito ay may taglay na hangin na 95 kilometers per hour.

Sinabi pa ni Estareja na patuloy na makakaranas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dahil sa southwest monsoon o habagat, na pinalakas ng buntot ni Bebinca.

-- ADVERTISEMENT --