Nakatakdang ilabas ng commission on clerical child sex abuse ng Santo Papa ang kanilang unang annual report sa susunod na linggo, isang dekada matapos na maitatag ang nasabing lupon.

Ayon sa Pontifical Commission for the Protection of Minors, ilalabas ang report sa October 29.

Bumuo si Pope Fracis ng panel of experts noong December 2014 sa gitna ng maraming pagsisiwalat ng sexual abuse ng Catholic clergy sa buong mundo, at pinagtakpan ang mga ito.

Subalit, naharap ito sa matinding kritisismo sa kanilang organisasyon, funding, at papel, kung saan maraming high-profile members ang nagbitiw.

Noong 2022, isinama ni Francis ang lupon sa Roman Curia, ang gobyerno ng Holy See, at hiniling ang annual at mapagkakatiwalaan na account sa kung ano ang kanilang ginagawang tugon at kung ano ang mga dapat na baguhin.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa commission, ang ilalabas na report sa susunod na linggo ay laman ang mga resources at good practices na ibabahagi sa Universal Church, at magbibigay ng mga rekomendasyon upang maiwasan ang mga nasabing insidente.

Buhat nang maging Santo Papa noong 2013, tinanggal ni Francis ang papal secrecy sa sexual abuse ng mga pari at inatasan ang mga clergy at lay people na idulog ang mga kaso sa kanilang superiors.