

TUGUEGARAO CITY-Inaanyayahan ni Atty. Angela Ibay, miembro ng World Wild Life at National Director for Earth Hour Philippines ang lahat na makibahagi sa mga isasagawang aktibidad para sa Earth Hour mamayang gabi.
Sinabi ni Ibay na magkakaroon ng virtual Earth Hour countdown ang WWF na magsisimula ng 7:30 ng gabi.
Ayon sa kanya, maaaring makiisa sa nasabing aktibidad sa pamamagitan ng WWF facebook page dahil sa nasabing oras ay magkakaroon din ng mga talakayan ukol sa mga issues na kinakaharap ng ating kalikasan at mga hakbang na dapat na ipatupad upang maka-recover sa paraan na magiging sustainable ang ating kalikasan para sa susunod na mga henerasyon.
Kasunod nito ay ang pagpatay na ng non- essential lights at appliances sa oras na 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Bukod dito, sinabi ni Ibay na isasagawa din ang kauna-unahang virtual run o Pinoy fitness.
Ang tema ng Earth Hour celebration ngayong taon ay #Shape our Future.
Kaugnay nito, sinabi ni Ibay na hindi dapat na sa tuwing Earth Hour lamang isasagawa ang mga hakbang upang mapangalagaan ang ating kalikasan sa halip ay sa lahat ng pagkakataon.
Sinabi pa niya na lahat makakatulong sa hangarin na masolusyonan ang problema sa climate change sa kanilang mga sariling paraan tulad na lamang ng pagtitipid sa tubig at enerhiya, maayos na pagtatapon ng mga basura at iba.
Kasabay nito, sinabi ni Ibay na maging matalino sa pagpili ng mga kandidato at suriin ang kanilang mga plataporma para sa pangangalaga sa ating kalikasan at maging ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura.
Idinagdag pa niya na kasabay ng unti-unti nang pagbangon ng bansa mula sa covid-19 pandemic ay kailangan din na kasama sa recovery plan ang kalikasan.










