Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at mga pulo-pulong thunderstorm sa ilang bahagi ng Luzon at silangang bahagi ng bansa sa susunod na 24 oras dahil sa pinagsamang epekto ng shear line, northeast monsoon o amihan, at easterlies, ayon sa state bureau.

Patuloy na iiral amg shear line sa silangang bahagi ng Central at Southern Luzon, habang patuloy namang iiral ang amihan sa natitirang bahagi ng Luzon.

Samantala, nangingibabaw ang easterlies sa iba pang bahagi ng bansa.

Ayon sa weather bureau, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon dahil sa shear line.

Inaasahan din ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Eastern Visayas, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur dulot ng easterlies.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ang Metro Manila, Cordillera Administrative Region, natitirang bahagi ng Cagayan Valley, ibang bahagi ng CALABARZON, Nueva Ecija, at Bulacan ay makararanas ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan dahil sa amihan.

Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang pag-ulan ang mararanasan sa Ilocos Region at natitirang bahagi ng Central Luzon, dulot pa rin ng amihan.

Sa iba pang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panandaliang pag-ulan o thunderstorms dahil sa easterlies.

Mahigpit na pinapaalalahanan ang publiko na ang malalakas na thunderstorm ay maaari pa ring magdulot ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa.