Hiniling ni Sheriff Abe Andres na huwag na siyang isama bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil ayaw umano niyang madamay sa mga usaping may bahid ng pulitika.

Si Andres ay kabilang sa mga testigong inilista ng House prosecution para sa Article 4 ng impeachment complaint, na tumatalakay sa umano’y mararahas na pahayag at kilos ng Bise Presidente. Siya rin ang sheriff na nasuntok ni Duterte sa isang demolition operation sa Davao City noong 2011.

Ayon sa House prosecution, mahalaga ang testimonya ni Andres upang maipakita ang umano’y pattern ng marahas na asal ng Bise Presidente. Gayunman, sinabi ng prosecution na hindi nila kinakailangan ng “star witness” dahil ang mga video ng naging pahayag ni Duterte ang magsisilbing pangunahing ebidensya sa naturang artikulo ng impeachment.

Samantala, tiniyak ng House prosecution na maghahain ito ng iba pang mga dokumento at testigo upang suportahan ang mga alegasyon laban kay Vice President Duterte sa nalalapit na impeachment trial.