Nakitaan ng peligrosong kemikal na synthetic cannabinoid ang itim na sigarilyong tinatawag na “tuklaw” na hinithit ng ilang kalalakihan sa Palawan at Taguig, na nakuha sa video na nangisay.
Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Spokesperson Atty. Joseph Calulut, na ang pagkakatuklas sa naturang kemikal sa tuklaw ay lumitaw sa paunang resulta ng pagsusuri na ginawa sa sigarilyo.
Ayon sa PDEA, ang synthetic cannabinoid at kemikal ay nilikha para gayahin ang epekto ng natural na cannabinoid na mula sa marijuana.
Ipinagbabawal ito sa ilalim ng Dangerous Drug Act.
Sinabi ni Calulut na ang pangingisay ng mga nakahithit ng tuklaw na nakita sa mga video ay epekto umano ng kemikal na may epekto ng epilepsy.
Maaari din umanong makamatay ang synthetic cannabinoid.
Nanggagaling umano ang sigarilyong tuklaw o “thuoc lao” sa isang bansa sa Southeast Asia na sadyang mataas ang nicotine level kumpara sa karaniwang tobacco.
Ayon kay Calulut, ginagamit sa naturang bansa ang nasabing tobacco para sa tradisyonal na paraan, at may sistema sa tamang paggamit pero hindi bilang isang karaniwang sigarilyo na basta hinihithit.
Hinihintay ng PDEA ang buong resulta ng ginawang pagsusuri mula sa isang pribadong laboratoryo bago sila gagawa ng pinal na ulat na ipadadala sa Dangerous Drug Board na maglalabas naman ng regulasyon tungkol sa naturang kemikal.