Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa probinsiya ng Batanes habang napapanatili ng bagyong Gorio ang lakas nito habang kumikilos pa-westward sa Philippine Sea.
Sa 11 a.m. bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), huling namataan si Gorio sa 560 kilometers silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 120 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 150 kph, at kumikilos ito sa kanluran sa bilis na 25 kph.
Ayon sa Pagasa, ang pinakamataas na posibleng wind signal ay TCWS No. 2, na inaasahan din sa Batanes.
Sinabi ng Pagasa na kung magkakaroon ng pagbabago sa direksion ng bagyo at kikilos ito pa-southward, posible ang paglawak ng mga lugar na isasailalim sa wind signals.
Tinataya na ang track ni Gorio ay west-northwest at posibleng mag-landfall sa eastern coast ng Taiwan bukas ng hapon.
Inaasahan na lalo pa itong lalakas bago ang landfall sa Taiwan bago ito tuluyang hihina sa nalalabing panahon ng forecast.
Tinatayang lalabas ng Philippine Area of Responsibility si Gorio bukas ng gabi.