Itinaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 17 lugar sa Luzon habang nananatiling malakas ang Tropical Depression Mirasol nitong Martes ng gabi.

Ayon sa 8 p.m. weather bulletin, kabilang sa mga apektado ang Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, ilang bahagi ng Nueva Vizcaya, Aurora, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, hilagang bahagi ng Ilocos Sur, Polillo Islands, bahagi ng Camarines Norte at Camarines Sur, at ang Catanduanes.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 170 kilometro hilagang-silangan ng Infanta, Quezon o 90 kilometro timog-silangan ng Casiguran, Aurora.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 55 kph at bugso na 70 kph, habang kumikilos pa-northwest sa bilis na 25 kph.

Inaasahan ng PAGASA na tatawid si “Mirasol” sa Northern Luzon kung saan posibleng pansamantalang humina, bago muling lumakas at maging tropical storm pagdating nito sa West Philippine Sea.

-- ADVERTISEMENT --

Posible ring itaas sa Signal No. 2 ang ilang lugar kapag lumakas pa ito.