
Itinaas na sa Signal No. 4 ang apat na lugar sa rehiyon ng Bicol bunsod ng patuloy na paglakas ng Bagyong Uwan habang papalapit sa lalawigan ng Catanduanes
Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 4 ang Polillo Islands; silangan at gitnang bahagi ng Camarines Norte; silangang bahagi ng Camarines Sur; buong Catanduanes; at silangang bahagi ng Albay.
Inaasahan sa mga lugar na ito ang napakalakas na hangin na maaaring umabot sa higit 118 kilometro bawat oras.
Samantala, nasa Signal No. 3 naman ang ilang bahagi ng Luzon kabilang ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Aurora, Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Ticao at Burias Islands, ilang bahagi ng Visayas tulad ng Northern Samar, hilagang bahagi ng Eastern Samar, at hilagang bahagi ng Samar.
Itinaas naman sa Signal No. 2 ang iba pang bahagi ng Cagayan, Abra, Ilocos Norte, Batangas, Mindoro, Romblon, Masbate, at ilang bahagi ng Visayas kabilang ang Eastern Samar, Samar, Biliran, at Leyte.
Nasa Signal No. 1 ang nalalabing bahagi ng Luzon, Visayas, at hilagang Mindanao kabilang ang Dinagat Islands, Surigao del Norte, at bahagi ng Agusan del Norte at Surigao del Sur.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 230 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.
Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 35 kilometro bawat oras, taglay ang lakas ng hangin na 175 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 215 kilometro bawat oras.
Inaasahang dadaan ang sentro ng bagyo malapit sa Catanduanes ngayong Linggo ng umaga at posibleng tumama sa kalupaan ng Aurora ngayong gabi o sa madaling-araw ng Lunes.
Pagkatapos nito, tatawirin ni Uwan ang kabundukan ng Hilagang Luzon bago lumabas sa Lingayen Gulf o karagatan ng Pangasinan o La Union sa Lunes ng umaga.
Tinatayang aabot sa kategoryang super typhoon si Uwan bago ito tuluyang mag-landfall.
Pagkatapos dumaan sa kalupaan, posibleng humina ito ngunit mananatiling isang malakas na bagyo habang tinatahak ang hilagang bahagi ng Luzon.










